Wednesday, November 4, 2009

Jake Cuenca excited to work with Cristine Reyes again, with past intrigue behind them!



Hindi raw nahirapan ang young actor na si Jake Cuenca na mag-switch mula sa character niya bilang Dave sa Tayong Dalawa at sa role niya bilang Alejandro sa Rubi, ang bago niyang teleserye sa ABS-CBN.

"Kung titingnan mo talaga, medyo kabaligtaran ng character ni Dave. Iba kasi. Si Alejandro kasi, mabait na mabait ang character, sobra! So, challenging siya sa akin. Siyempre, yung ganoong role, may tendency na parang iisa lang ang itinatakbo ng character. So, challenge sa artista na gawing interesting.



"So, isa siyang role na pinag-iisipan kong mabuti. Bago ko gawin ang eksena, siguro nag-iisip muna ako ng mga limang approach sa eksena. You really have to make an effort para maging interesting ang role," saad ni Jake nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Hindi pa masabi ni Jake kung kailan ipalalabas ang Rubi, kung saan tampok si Angelica Panganiban sa title role. Pero nagbabangko na raw sila ng maraming episodes.

Aside from Rubi, Jake will also star in an episode of Agimat, playing the role of "Elias Paniki." Pero malayo pa raw yun sa isip niya dahil hindi pa naman niya ito ginagawa. Wala pa rin daw siyang idea kung sino ang magiging leading lady niya sa TV remake na ito ng dating pelikula ni Ramon Revilla Sr.

"Sa ngayon, lahat ng atensiyon ko, parang ginagawa ko munang per project. Para dun lang ang focus ko. Although, excited na excited na ako for Agimat," sabi ni Jake.

REUNION WITH CRISTINE REYES. Nakatakda ring gumawa ulit ng isang episode ng afternoon series na Precious Hearts Romances si Jake, kung saan magkakasama silang muli ng dati ring Kapuso star na si Cristine Reyes.

Kung matatandaan, nagkaroon ng intriga sa pagitan nina Jake at Cristine pagkatapos nilang gawin ang unang episode ng Precious Hearts Romances Presents Bud Brothers. Si Cristine daw kasi ang nagkakalat na may bad breath si Jake, ngunit pinabulaanan naman ito ng young actress.

Para kay Jake, hindi raw 'yon isang isyu.

"Balik-tambalan ulit kami. Similar sa Bud Brothers ang story, pero may halo siyang drama, light romance. It's good at sa akin naman, si Cristine is a very good actress. At sa kanya ko lang nararanasan yung ganoon ka-sensual na eksena. Ibang kaeksena si Cristine."

Okey na siya to work with Cristine?

"Never namang naging hindi," paglilinaw ni Jake. "Sa akin naman, like I've said before, hindi naman ako naniniwala [sa intriga noon]. And it turns out, tama naman ako. So, I'm still excited to work with her again."

Totoo bang nag-sorry si Cristine sa kanya?

"No, she doesn't have to apologize naman. Although nag-meeting kami at sinabi sa akin na magkakatrabaho ulit kami. At saka maganda naman ang nangyari sa Bud Brothers. Our episode did pretty well naman. And noong mag-meeting kami, they presented the project to us at nagustuhan naming dalawa. So, yun, go agad."

Napag-usapan ba nila ang naging isyu sa kanila?

"Wala... wala namang isyu talaga," muling-sabi ni Jake na nakangiti.

SINGLEHOOD. May isang taon na ring single at walang karelasyon si Jake. Natawa ito nang sabihin naming himala at nakatatagal siyang single pa rin.

"Nakikipag-date naman kapag may chance. Okey pa naman ako ngayon. Sa tingin ko, darating din naman ang tamang babae. At habang wala pa yung tamang babaeng yun, hindi naman bawal makapag-date. Wala namang masama dun," sabi niya.

Hindi ba siya nalulungkot na okay nga ang career niya, pero sa lovelife naman ay tila bokya siya?

"Hindi nga, e, bumingo-bingo naman ako sa mga lovelife ko noong nakaraan!" natatawa niyang sabi. "Okey naman ako. Masaya naman ako at blessed naman ako sa career ko. Sobrang thankful ako at talagang tsine-cherish at inaalagaan ko yun.

"Pagdating naman sa lovelife, I'm only 21 years old. So, hindi naman ako nagmamadali. Parang hindi naman ako pressured to have a serious relationship. Actually, madali naman. Kapag preoccupied ka, madali. Mahirap lang siguro yung wala ka na ngang trabaho, wala ka pang lovelife. Sobrang hirap talaga nun."

MELISSA RICKS. Ano na nga ba ang nangyari sa napabalitang panliligaw niya kay Melissa Ricks?

"Friends lang naman talaga kami... hindi na lumayo more than that. Hanggang dun lang," sabi niya.

Hindi na niya itinuloy ang panliligaw sa dalaga?

"Mali rin naman kasi ang timing," sambit ni Jake. "So, okay na yun. Sa ngayon naman, ako, parang masayang-masaya ako para sa kanya. Marami siyang projects and I wish her all the best for Agimat [Pepeng Agimat].

"Sa ngayon, as a friend, I'm proud of her. After [Kambal Sa] Uma, tuloy-tuloy pa rin ang projects niya. So, go, go lang. At saka, kung meron man siyang mahanap na lalaki in the future at alam niyang deserving na maging boyfriend niya, then I wish her all the best. Para sa akin, napakasuwerte ng lalaking yun."

May usap-usapan na against sa kanya ang mommy ni Melissa kaya siya tumigil. Totoo ba ito?

"Hindi naman... mali lang ang timing," ulit niya.

IMPORTANT KAPAMILYA STAR. Pagkatapos ng Tayong Dalawa at iba pa niyang projects sa ABS-CBN, masasabi na ba niyang isa siya sa maituturing na important stars ng network?

"Sa akin lang, I'm just really thankful na grabe yung trust na ibinibigay sa akin ng network. Grabe yung tiwala, yung paniniwala nila sa akin. So, with that, nandun ako sa ayoko silang biguin. I just want to be a good soldier, a good actor in my network, and I want to represent my network in a good way.

"Kasi, yun lang ang maisusukli ko sa kanila. Parang sobrang they made my dreams come true. Mga bagay na pinapangarap ko lang noon, naging totoo dahil sa ABS-CBN, dahil sa tiwala ng network sa akin," saad ni Jake.

Isang magandang katangian ni Jake ay ang pagiging open niya sa kahit anong role na ibigay sa kanya. Wala rin siyang gaanong reklamo sa pagpapakita ng katawan, tulad na lang noong nakaraang Bench fashion show kung saan isa siya sa rumampa na naka-topless.

Sa movies ba, hanggang saan ang limitasyon niya?

"Well, kung kinakailangan magawa yung hinihingi para mailabas ang sincerity, gagawin ko," sagot niya. "Siguro I will cross the bridge when I get there. Hindi ako magbibigay ng limit, pero alam ko rin naman kung hanggang saan. Up to a certain extent, pero hindi rin ako maarte sa ganoon. Basta mailabas ko lang ang truthfulness at sincerity ng eksena, okay sa akin."

Feeling daw ni Jake, he has matured a lot.

"Even my parents, natutuwa sila. Hindi na raw ako magastos!" natatawa niyang sabi. "Actually, ang laking bagay na nagawa ng Tayong Dalawa sa maturity ko as an actor and as a person.

"At yung parents ko, nakakatuwa. At least, hindi na sila nag-aalala kung saan ako papunta sa buhay. Dati kasi, hindi nila alam kung magtatagal ako sa industriya. So, parang ngayon, alam na nila na ito ang gusto kong gawin. Ito ang mahal ko, ang craft ko. So ngayon, kaya na nilang mag-relax sa Spain. Hindi na sila natataranta kung ano ang nangyayari."

Nakapag-invest na rin daw siya ng ilang property, like a new condo unit. Pagdating naman sa business, feeling ni Jake, kailangan niya pang maghintay ng tamang panahon para sumuong sa ganito.


Source: Rose Garcia, PEP.ph

0 comments:

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | ewa network review