Nalalapit na ang pagtatapos. Isang "Girl-Next-Door," isang "Probinsyanang Tisay" at isang "Transsexual Beauty Queen" ang mga castaway na maglalaban-laban para sa titulo ng Pinoy Sole Survivor at sa tumataginting na premyong tatlong milyong piso.
Noong Miyerkules, sa kauna-unahang tie-breaker/face-off challenge sa isang eksplosibo at kapana-panabik na Tribal Council, tinalo ni Amanda Colley Van Cooll ang 'Raketistang' si Charles de Vera Fernandez na naging kahuli-hulihang miyembro ng jury.
Ngayon, tatlo na lamang ang nananatiling lumalaban para sa titulo at haharap sa bagsik ng mga miyembro ng jury.
ANG PINAKA-MAUTAK. Si Jef, sa kabila ng pagiging kulelat sa mga challenge bukod pa sa madalas na pagiging emosyonal, umabot pa sa final three sa pamamagitan ng pagkapit at paglaglag sa kanyang mga kaalyansa. Sapat na kaya ang paggamit ng kanyang utak para makuha ni Jef ang loob ng mga jury at makumbinsing siya ang dapat tanghaling Pinoy Sole Survivor?
ANG PINAKA-MAGALING. Si Amanda, ang castaway na nanalo sa pinakamaraming individual reward at immunity challenges sa tribong Sonsorol. Ipinamalas ni Amanda ang kanyang lakas at galing sa paglaban sa mga huling challenge hanggang sa tie-breaker sa tribal council upang maluklok sa Final 3. Sapat na kaya ang kanyang ipinakitang kakayahan para makumbinsi ang miyembro ng jury na siya ang karapat-dapat na maging kauna-unahang babaeng Sole Survivor?
ANG PINAKA-MATATAG. Si Justine, ang kauna-unahang castaway na tinanggal sa laro. Ngunit tumagal siya sa Isla Purgatoryo upang makapasok sa merge hanggang sa umabot sa Final 3. Makuha kaya ni Justine ang boto ng mga miyembro ng jury dahil sa kanyang katapangan at katatagan? O makaapekto kaya sa kanyang kapalaran ang ipinamalas niyang katarayan at bangis sa nakaraang Tribal Council?
Sino kina Jef Gaitan, Amanda Colley Van Cooll at Justine Ferrer ang pipiliin ng pitong miyembro ng jury?
Saksihan ang Live Grand Finale ngayong gabi, November 13, kung saan matitikman na ang pinakamatamis na tagumpay ng ikalawang Pinoy Sole Survivor sa Biyernes at abangan ang Reunion Special sa SNBO sa Linggo, November 15, pagkatapos ng Show Me the Manny.
Source: PEP.ph
0 comments:
Post a Comment