Monday, October 5, 2009

Richard Gutierrez involved in airport incident




Isang balita ang nakarating sa PEP (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa isang takaw-pansing insidente na kinasangkutan ni Richard Gutierrez sa NAIA (Ninoy Aquino International Airport) Terminal 3 sa Pasay City, noong Biyernes, ika-2 ng Oktubre.

Ayon sa isang sumulat sa PEP noong Sabado, Oktubre 3, na nagsabing may kilala siyang witness sa pangyayari, nag-iskandalo raw ang aktor sa NAIA. Ito raw ay nangyari noong napagsarhan si Richard at si Jewel Mische, na ayon sa showbiz circles ay girlfriend niya, sa boarding gate.

Sa pagdedetalye ng source, sinabi nito na sa galit ni Richard, dinuraan nito ang boarding pass at hinampas sa pader, at pagkatapos ay pinagsalitaan ng masama ang taong kausap.

Sa pag-verify ng PEP ng kuwentong ito, napag-alaman namin na may naglabas na nga ng ganitong balita sa social networking site na Facebook.

Sa pag-verify pa rin ng PEP, umabot kami sa ilang airport sources. Ang mga ito ay nagpatotoo ng nangyaring insidente, at sinabi ring nangyari ito sa departure area ng NAIA noong gabi ng Oktubre 2, Biyernes. Dahil nga raw nakakatawag-pansin ang aksyon at boses ng kilalang aktor, may ilang pasahero ng ibang flights na nagsisikuha na ng litrato at video ng pangyayari.

Ayon sa unang source ng PEP, hindi malinaw sa kaibigan niya kung bakit galit si Richard, pero ang dinig daw nito, "They were offloaded from their flight." Ang ibig sabihin nito ay natanggal sina Richard at Jewel sa flight manifest at hindi na maaaring maging pasahero sa flight na iyon.

Ayon naman sa airport records, papuntang Kuala Lumpur, Malaysia, sina Richard at Jewel. Eksaktong 8:04 ng gabi ng Oktubre 2 sila nag-check in ng kanilang bagahe. Subalit sa hindi malamang kadahilanan, nahuli sila ng pagdating sa boarding gate. Apat na beses na na-page ng Cebu Pacific ang dalawa. Ngunit nang nakita raw na nakikipag-argumento si Richard sa boarding gate, pasado 9 p.m. na. Ibig sabihin ay may pagitan ng isang oras mula ng pag-check-in at pag-board.

Sa nakapaskil na flight schedules sa airport, "8:55 p.m." ang EDT, or Estimated Departure Time, ng Cebu Pacific, ang eroplanong sasakyan nina Richard.

Malinaw namang nakasaad sa ticket at website ng Cebu Pacific Air na ang pasahero ay dapat nasa boarding gate "at least 30 minutes before the scheduled departure time." Ibig sabihin, dapat 8:25 p.m. ay nasa boarding gate na sina Richard at Jewel.

Kasali rin sa airline terms and conditions for boarding ang ganito: "gate will close fifteen (15) minutes before departure." Ibig sabihin ay 8:40 p.m. ay sarado na ang gate.

Ayon pa sa isang may koneksiyon sa airport na nakausap ng PEP, "Airlines need the '15 minutes' to do three things: (1) Redo the passenger manifesto; (2) Take out the baggage; and (3) Update any document relevant to the flight. Ang resulta raw ng hindi pagsunod sa procedure na ito ay mali-late ang flight. Sinabi rin niya na ang mga airline ngayon ay nagpupursiging maging on time.

Ganito nga ang nangyari kina Richard at Jewel. Dapat nasa boarding area na sila ng 8:25; dumating sila sa Immigration Counter 8:50 p.m., na last step before boarding stage.

Bagamat limang minuto na lang iyon bago ng departure time, pinilit pa ring gawan ng paraan ng airline personnel. Nakitang inuuna sina Richard at Jewel sa queue. Ngunit naabala na naman ang pag-usad nina Richard at Jewel dahil may mga airport employees na gusto pang makipaglitrato sa dalawang celebrity.

Nang ipinatupad ng Cebu Pacific ang patakaran nitong dapat nasa boarding gate na ang sinumang pasahero 15 minutes before estimated departure time, tinanggal na finally sa manifest ang pangalan nina Richard at Jewel. Noong nalaman ni Richard na napagsarhan nga sila, ayon sa original PEP source: "He started to get mad and demanded for the manager."

Ayon din sa kanya, mayroong nakakita mismo na nagbibigay-paliwanag ang Cebu Pacific manager, ngunit nanigaw na si Richard. Nang yakagin daw ng manager si Richard sa check-in counter upang makaiwas sa mga nakikinig at mga nagbi-video, tinuloy pa rin ng aktor ang panduduro sa manager. "Masasamang salita" raw ang ginamit nito at itinuturo pa raw nito ang dalawang daliri sa taong kausap.

Habang galit si Richard, kalmado naman daw sa tabi niya si Jewel. Sa huli raw ay ang dalaga ang nakipag-usap nang maayos sa station manager. Ngunit hindi pa rin sila naka-board.

Bandang alas-tres kaninang hapon, tumawag ang PEP kay Jun Lalin, ang publicist ng Royal Era Entertainment, na talent-management outfit ng mga Gutierrez. Tinanong namin kung may sagot sila sa insidenteng nakarating sa PEP. Ang tanging sagot ni Mr. Lalin ay: "Hindi ko alam."

Bandang 4 p.m. naman kanina rin ay nagpadala ang PEP ng tanong kay Jewel Mische sa pamamagitan ni Shirley Pizarro, ang publicist ng GMA Artist Center, kung saan kabilang si Jewel. Bandang 4:40 p.m., nakausap namin si Shirley. Ang sabi nito ay, "Walang official trip si Jewel para sa GMA Artist Center. Wala kaming alam na trip sa Kuala Lumpur."

Sa pakiusap ng PEP, pinadala ni Shirley ang tanong namin tungkol sa biyahe sa Kuala Lumpur sa "handler ni Jewel." Tinanong daw ng handler si Jewel, at base sa sagot ng dalaga, ang paabot ng handler kay Shirley ay: "It's not a booking. It's a personal trip." Matapos noon ay hindi na makontak si Jewel.

Source: Trisha Alvarez, PEP.ph

0 comments:

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | ewa network review